Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng may 500 katao na dumalo sa solidarity dinner na ginanap sa Delpan Sports Complex sa Maynila nitong Huwebes ng gabi, na bubuksan niya sa publiko ang Malacañang.
Sa ulat ng GMA News Saksi, sinabing mga residente ng Isla Puting Bato ang dumalo sa naturang pagtitipon alinsunod na rin sa direktiba ni Duterte kay Social Welfare Secretary Judy Tagiwalo.
Nais umano ng bagong pangulo na makasama ang mga pinangakuan niya ng pagbabago nitong nagdaang kampanya.
“Kayo’y sumunod lang sa gobyerno at makipagtulungan sa amin, gagarantiyahan ko kayo na aangat ang buhay natin,” pahayag ni Duterte sa mga dumalo sa pagtitipon.
Nangako si Duterte na gagawin niyang prayoridad ang edukasyon, at ilalaan sa pagpapaospital at pagpapagamot ng taumbayan ang hindi bababa umano sa P30 bilyong kada taong kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Maglalaan din umano siya ng P1 bilyong pondo kada rehiyon para matulungan ang sektor ng agrikultura, at magpapahiram ng puhunan sa mga maliliit na negosyante.
Kasama rin sa kaniyang plano ang paglalagay ng 24-hour hotline na “8888.”
Pero pakiusap lang ni Duterte: “Huwag lang ho kayong magsinungaling. Just tell me the truth, ‘wag kayong mag-imbento ng istorya.”
Tumanggap naman ng malakas na palakpak ang pangako niyang tatapusin ang problema sa droga. Kasabay nito ang kaniyang babala sa mga papasok pa rin sa iligal na gawain.
“Ako po ay nakikiusap, ‘wag ho kayong pumasok diyan kasi papatayin ko talaga kayo,” aniya.
Muli ring pinasalamatan ni Duterte ang mga dumalo sa suportang ibinigay sa kaniya nitong nagdaang halalan.
Nakiusap din siya sa mga tao na magtiis-tiis nang kaunti at tulungan siyang maipatupad ang mga nais pagbabago.
Source: philtezen.com
Share this story!
Visit and follow our website: Trending News Global
© Trending News Global
Yes President. I wish you All the best..
ReplyDelete